NOY101

Ang kahulugan ng buhay ay nasa mga maliliit na bagay... yung mga sa tingin natin walang kwenta minsan bumubulaga nalang sa atin bigla, napakahalaga pala... Eto ang mga kawalang kwentahan ng buhay ko...tingnan niyo... malay niyo... mabulaga kayo...

Login (Username/Password) mabinidemolay mail
  • SIGN UP!
  • JOIN MABINIDEMOLAY YAHOOGROUP! (Yahoo ID needed)
  • Wednesday, December 01, 2004

    Grades 2: Paano Nga Ba Tayo Gegreydan?

    Memories of College...

    Dedicated sa mga Kaibigan ko sa Batch 2001 ng High School...

    Gagraduate na kayo no.... nararamdaman niyo na ba? Nandun na yung init, nandun na yung kulo... nandun na yung excitement na hindi maipaliwanag... alangan gusto na, alangan ayaw pa... Eto na to chong... malapit na...

    Tagal niyo nang hinintay to no? Naaalala niyo nung first year kayo? Ni hindi niyo pa alam kung paano mag-enrol nang maayos... Ni hindi pa kayo pumipili gaano ng subject... Eto na kayo... nakagawa na ng isang buong agham kung paano sumingit sa registration nang hindi kinagagalitan ng kasunod... Diba kayang kaya niyo na? Naisip niyo ba nung huling enroll niyo na huling beses niyo na sisingit sa pila? Mangaahas para mauna sa maayos na teacher? Oo sige na hindi pa yun yung huli, kung Lasallista ka... Happy sembreak nga pala sa mga Lasallista, sana maenjoy niyo yung isa't kalahating araw niyong bakasyon...

    Mabalik tayo... Ang sarap no? Pero kasabay ng matinding paghihintay sa tagumpay ng apat na taong pagdurusa, nakakalungkot... Patapos na... patapos na yung mga araw na pwede kang umabsent dahil trip mo lang... Patapos na yung mga araw na ang pinakamalaking problema mo sa buhay ay yung pagmemorize lang ng lesson... problema mo lang yung 4 P's, problema mo lang yung SWOT Analysis... tapos na yun... parating na yung mas seryosong problema... SERYOSONG PROBLEMA... hindi na pala nakakalungkot... nakakatakot na pala...

    Ito ang dahilan kung bakit muling sumagi sa isip ko yung grades... Hindi lahat ng bagay nagegreydan, malalaman niyo na kung bakit... pero siyempre ikukuwento ko na sa inyo... ayus... Pagbigyan niyo ko...

    Noong bata tayo ang madalas na ginagamit na larawan ng mga guro para sa buhay ay kalsada, paliku-liko, paikut-ikot... Sabi nga nung kanta... The long ang winding road... Sa tingin ko, para makita natin ang buhay ng mas malinaw ay kailangan natin ibasura ang paglalarawang ito... Sa dinami-rami ng mga ibat' ibang desisyon na ating maeenkwentro sa buhay natin ay kulang pa ang isang road map ng Metro Manila para ilarawan ang paliku-liko nating buhay... Saan ba tayo magsisimula? Saan ba dapat sukatin ang pagkaayos ng buhay ng tao? Saan ba natin kailangan galingan? Kailangan ba'y magpakabuti lamang? Sa pag-alaga at pag-aruga ba sa pamilya? Sa sarili ba nating trabaho? Sa pagbibigay ba ng limos? Sa pagsisimba linggu-linggo? Saan ba tayo talaga gegreydan?

    Mga Kwento ng Buhay ng Ibang tao:

    Si Way Kurat... Dating aktibista... magsasaka... napaglinawang gustong tumulong sa bayan... tumakbo sa kongreso... nanalo... marami kasing naniniwala sa kanya... Hindi siya kagaya ng ibang kongresistang mayaman... siya, pumupunta sa House of Representatives nang nakabisikleta... Ang opisina niya ay hindi tunay na opisina, hardin kung saan nag-aalaga siya ng mga halaman... Regular na mga proyekto ang ginagawa niya... pag-ayos ng kalsada, pagpagawa ng multi-purpose hall, ng deep-well... ganun... Iba't iba ang kaibigan niya, maging mga rebelde ay lumalapit sa kanya at kinikilala siya bilang maayos na tao... Hindi mabakas sa kanyang pamumuhay ang katiwalian...

    Simple ang buhay, nagagawa ang trabaho... ganito ba ang gusto niyo? Di ba sa mga pangarap natin hindi man lamang nabakas ang pamumulitika? Mas lalo pa siguro ang simpleng pamumuhay... Ang asenso sa atin negosyo... ang asenso sa atin hindi ito... pero bakit may karisma? Bakit nakakaakit? Bakit kahanga-hanga...

    Si Bernadette... Anak ng mayaman... Anak ng Pulitiko... Nag-artista... at hindi lang artista... kontrobersyal na artista... kung kani-kanino napapamahal... kung sinu-sino ang kinakaaway... Pero sikat... Kaya nang tumayo sa sariling paa... Diyos ko, sa isang deal niya ang gagawin lang niya'y magtetext ng isang beses sa isang araw... 14 thousand pesos na ang kinikita niya sa araw na yun... Hindi lang ito...Pranka... What you see is what you get... May appeal di ba?

    Maskandalo, pero tumatayo sa sariling trabaho... magaling, asenso... Kahit na mahirap isipin... may karangalan pa rin sa ganitong sitwasyon diba? Bakit kahanga-hanga pa rin?

    Si Boyet... Minana ang negosyo sa magulang... Uupu-upo lang okey na... tumutulong pa rin sa opisina pero hindi gaano... Mas gusto na lang niya ang paunlarin ang iba... tumutulong sa pamamagitan ng iba't ibang organisasyon, nagtuturo sa kolehiyo, nagbubuhay ng ideyalismo sa kabataan... Walang ginawa kundi magbasa ng libro upang maibahagi sa iba....

    Madaling sabihing palamunin ano? Ginamit lang ang pera ng pamilya para sa layuning pinagdesisyunan lamang niya sa kanyang sarili... Pero Nakatulong eh... ilang beses ang balik ng pagtulong sa lipunan... Bakit kahanga hanga pa rin?

    Si Kristoffer... Maagang nag-asawa... may isang anak, hindi na naman nadagdagan... tulung-tulong silang mag-asawang magtrabaho para buhayin ang anak... Dahil sa hirap ng buhay ay hindi na muna sila makapagpangarap sa sarili nila... Pasok ang suweldo, labas ang suweldo... Sa pamilya nila sinusubukan nilang buhayin ang tingin nila'y karapatdapat na larawan ng pamilya... Iyon na ang buhay nila, sa anak, sa asawa...

    Wala muna ang indibidwalidad... Pero wala na bang kuwenta? Kagaya ng pagtulong sa lipunan, bumubuhay sila ng isang anghel na balang-araw ay magtatapos rin sa kolehiyo, matatanong rin ang mga tanong na tinatanong natin... Karangal-rangal, bata na ang obra... Bakit kahanga-hanga pa rin?

    Bakit hindi lahat ng bagay nagegreydan? Dahil hindi lahat mapipili natin... Sa pagkalaki-laki ng road map ng Metro Manila, konti lamang ang mababaybay mo sa buhay mo... At sigurado ako, halos iisang punto lang sa mapang ito ang uuwian mo... Paano mo malalaman kung paano mabuhay sa caloocan kung hanggang makati lang ang inabot mo? at sa alabang ka pa nakatira? Pag-isipan natin... Patapos na chong... gagraduate na kayo... ang susunod na tanong... ano nang susunod? isang mahirap na tanong... isang tanong na walang tama't mali... isang tanong na hindi masasagot ng salita, hindi pa masasagot ng gawa... Ang sagot natin sa tanong na yan... buhay... isang buo, mahaba, mahirap, masarap, mabango, mabahong buhay...

    Tara na Sagot na, wala namang grade eh...

    Monday, November 29, 2004

    Da Vinci Grail... Holy Angels, Holy Demons... Hiram's Treasure, National Key...

    Eto na… pwede na siguro….

    Ang rami kong mga kakilala ngayong iisa lang ang pinag-uusapan… kaklase ko, girlfriend ko, ate ko, ultimo nanay ko noong huli kong nakita iisa lang ang bungad ng pag-uusap…

    “Napanood mo na ba yung National Treasure?”
    “Sobrang ganda!!! Panoorin mo!!!”
    "Kung nagustuhan mo yung Da Vinci, OK YUN."
    "Anak ka ng Mason diba? Makakarelate ka dun sa facts..."

    Ayos!!! Exciting!!! DABESS!!!

    Sabog sabog ngayon yung isyung yan ano? Pumunta kasi ako sa powerbooks kanina... Alam niyo ba kung anong mga title yung nasa pinakamalapit dun sa entrance?

    Da Vinci Code, Angels and Demons, Holy Blood, Holy Grail... Punta ka sa may Cashier ano naman bubulaga sayo... Hiram Key, Second Messiah, Book of Hiram, Da Vinci Decoded, Magdalene's Lost Legacy, The Woman with the Alabaster Jar...

    Kagulo Chong... Sikat na sikat ngayon ang isyung daan-daang taon nang patay-sindi...

    Kuwentuhan kami ng mga brod ko (DeMolay), chaka mga ibang Dad (Mason)... ang rami daw biglang nagkainteres, nagtatanung-tanong... yung iba biglang gustong sumali, kumatok sa pintuan ng masonriya... Sikat! Putok ang isyu! Buhay ang balita... may tama, may mali, may mga nagmamarunong, may mga nagmamaang-maangan... meron rin namang mga nagsasawa na rin... "TAMA NA!!! TIGILAN NIYO NA MAGMISA NALANG KAYO!!!"

    Mahirap pag-usapan ang mga ganitong isyu no? Siyempre, diba sabi nga palagi, Politics and Religion, walang magiging resolusyon kailanman... wala talaga... maraming magpepresenta ng ebidensiya, mga patunay, pero kasabay ng presentasyon nila, habambuhay ring kikwestiyunin ang kredibilidad ng mga pinanggalingan nito... Hindi nga natin alam, maaaring yung tunay na relihiyon at katotohanan tungkol sa Diyos nandiyan na, tinabunan lang natin sa kakadebate....

    Pero diba, kapag putok ang isyu, maapoy-apoy at kumukulu-kulo pa, diyan siguro mas madaling pag-usapan... Kaya eto na naman si Noy, susubukan ang hindi kasubuk-subok na bagay, pag-uusapan ang relihiyon... Pagbigyan niyo ko...

    DeMolay nga pala ako, anak ng napakaactive na Mason... Lumaki ako na mulat sa mga gawain, karaniwang pananalita, posisyon, at kung anu-ano pang bagay na may relasyon sa masonriya... (Disclaimer: hindi po ako mason, di ako nakakapasok sa meeting nila.) Masasabi kong mahal ko na rin ang kapatiran ng mason dahil na rin sa pagmamahal ng tatay ko sa organisasyong ito... Pero kasabay ng pagdaranas ko sa pagtutulungang magkapatid, naranasan ko rin ang mga masasamang bagay -- madiscriminate ng mga taong napakagaling magmarunong sa hindi naman nila naiintindihang bagay, makipagdebate sa pagtatanggol sa frat ng tatay ko, at siyempre, kasama na rin ang madismaya sa mga mason na pangit ang ugali (meron talaga, marami.)

    Ikinikuwento ko siguro ito dahil sa ganitong perspektibo ako makikipag-usap sa inyo tungkol sa relihiyon... Katoliko ako... hindi sobrang tapat na Katoliko, pero naniniwala pa rin sa pagkaKatoliko ko....

    Bakit kaya kapag lumalabas ang isyu ng Mason, isyu kay Da Vinci, kay Magdalene, ay hindi maiiwasang mapalingon lahat, Mason man o hindi...

    Simple lang yung sagot diba? Dahil lahat tayo ay may pakialam sa mga isyung nagsasabi ng ganito at ganyan sa ating pananampalataya...

    Narinig na natin lahat...

    "Diba nagpakasal daw si Hesus kay Magdalene?"
    "Diba nagkaanak sila?"
    "Diba yung Wedding at Cana sila yung kinasal?"
    "Diba gawa-gawa lang ng simbahan lahat yun?"
    "Alam niyo ba yung knight's templar?"

    Diba ganito, diba ganyan... Eto na, banat na... bigla nang ang daming nagmamarunong!!! "Alam mo nabasa ko to eh, chaka to, chaka to... hindi totoo yan... Totoo yan... sinabi kasi sa ganitong libro ganito at... at.. at...

    Galing no? Iba talagang magmahal ang tao sa pananampalataya... lumalabas ang isyu at nagiging iskolar bigla... nakabasa lang ng ilang libro eksperto na... Pero hindi ko sinasabing masama ito... ipinapakita lang nito na may mga taong gustong nakakabit sila sa pananampalataya nila, hindi lang sa paniniwala sa mga bagay-bagay na hindi nila nakikita, kundi sa pag-alam at pagtatanggol sa mga impormasyong mali na ihinahagis patungo sa paniniwala nila...

    Ang hirap ano? Pwede nating sabihin... "TAMA NA KASI!!! GAWIN NALANG NATIN YUNG SINASABI NG SIMBAHAN!" Maaaring maging tama ang saloobing ito... ngunit may butas parin... Pwede nating sabihin "BASTA SUSUNOD AKO, DAHIL SA SARILI KO GANITO PA RIN, NANINIWALA PA RIN!"... Oo nga't tama na kailangan sa sarili mo alam mong naniniwala ka, naresolbahan mo na sa sarili mo na taimtim ang pananampalataya mo, ngunit kung gayun nga'y puwedeng maging taimtim ang iba sa ibang pananambalataya, ganun ba ang dapat mangyari? Wala nang pakialamanan? Hindi ba't napakaimportante rin sa relihiyon ang konsepto ng komunidad?

    Haaaaay, sabi ko na nga ba mapapagod ako eh... hirap no? Madaling sabihin nalang na suko... at merong malaking patibong na kapag napakatagal mo nang hinahanap ang katotohanan, sa isang punto'y susuko ka nalang at susunod ka nalang sa pananampalataya mo, sasabihin mo nalang "eto na to, naniniwala na ako." Hilaw na paniniwala... Inamin nga, naresolba nga sa sarili, ngunit hindi pa rin tapos...

    Napakadali rin naman kasing tanungin eh... iba't iba ang relihiyon sa mundo, kapag namatay ka ba, yung ending mo yung ending nung pinili mong relihiyon? Ang mga napakabuti bang tao ay magiging kaparehas rin ng napakabuting taong nagsisimba linggu-lingo, o kaya ng napakabuting taong isang beses lang kumain sa Ramadan?

    Bakit putok ang isyu ng National Treasure? Dahil Kailangan pa rin ng taong magtanong... Hindi naman ibig sabihin na magbago tayo ng relihiyon, ngunit napakahalaga ng pagtanong... Kung maging mabait lang ba ako at hindi ako magkumpisal, simba at iba pa, pupunta pa rin ba ako sa langit? Mga tanong na hindi masagot ngunit kailangan pa ring tanungin... kung hindi'y mauuwi lang sa paghahanap ng pananampalatayang mauuwian, na gagawin ang kailangan gawin sa simbahan upang may mauwian lamang na relihiyon... Para kang kumukuha ng exam na hindi mo alam kung ano ang gegreydan... yung uniform mo ba? yung essay? yung fill in the blanks?

    Aminin man natin o hindi, nawawala rin tayo... kaya tayo naaaliw manood nung National Treasure, kaya mahilig tayong magbasa nung mga libro na yun, dahil kahit papaano gusto natin mabigyan ng liwanag ang nauulapang kamalayan tungkol sa buhay... Sabi ng guro ko sa kolehiyo... "What is Faith? Faith is believing without seeing."... Hindi ako sigurado, pero sa tingin ko ganun rin mauuwi ang pananampalataya natin, sa pagtiwala... ngunit hindi nito ibig sabihin na mali ang magtanong, na maling maghanap ng konti pang kalinawan... Wala namang bayad yun eh... Libre....

    Dahil sa kahuli-hulihan, sa tingin ko ang mahalaga ay ang pananampalatayang naranasan mo, hindi yung pananampalatayang minana mo o natutunan mo... danasin natin.... kung kailangan magtanong, magtanong....