Eto na… pwede na siguro….
Ang rami kong mga kakilala ngayong iisa lang ang pinag-uusapan… kaklase ko, girlfriend ko, ate ko, ultimo nanay ko noong huli kong nakita iisa lang ang bungad ng pag-uusap…
“Napanood mo na ba yung National Treasure?”
“Sobrang ganda!!! Panoorin mo!!!”
"Kung nagustuhan mo yung Da Vinci, OK YUN."
"Anak ka ng Mason diba? Makakarelate ka dun sa facts..."
Ayos!!! Exciting!!! DABESS!!!
Sabog sabog ngayon yung isyung yan ano? Pumunta kasi ako sa powerbooks kanina... Alam niyo ba kung anong mga title yung nasa pinakamalapit dun sa entrance?
Da Vinci Code, Angels and Demons, Holy Blood, Holy Grail... Punta ka sa may Cashier ano naman bubulaga sayo... Hiram Key, Second Messiah, Book of Hiram, Da Vinci Decoded, Magdalene's Lost Legacy, The Woman with the Alabaster Jar...
Kagulo Chong... Sikat na sikat ngayon ang isyung daan-daang taon nang patay-sindi...
Kuwentuhan kami ng mga brod ko (DeMolay), chaka mga ibang Dad (Mason)... ang rami daw biglang nagkainteres, nagtatanung-tanong... yung iba biglang gustong sumali, kumatok sa pintuan ng masonriya... Sikat! Putok ang isyu! Buhay ang balita... may tama, may mali, may mga nagmamarunong, may mga nagmamaang-maangan... meron rin namang mga nagsasawa na rin... "TAMA NA!!! TIGILAN NIYO NA MAGMISA NALANG KAYO!!!"
Mahirap pag-usapan ang mga ganitong isyu no? Siyempre, diba sabi nga palagi, Politics and Religion, walang magiging resolusyon kailanman... wala talaga... maraming magpepresenta ng ebidensiya, mga patunay, pero kasabay ng presentasyon nila, habambuhay ring kikwestiyunin ang kredibilidad ng mga pinanggalingan nito... Hindi nga natin alam, maaaring yung tunay na relihiyon at katotohanan tungkol sa Diyos nandiyan na, tinabunan lang natin sa kakadebate....
Pero diba, kapag putok ang isyu, maapoy-apoy at kumukulu-kulo pa, diyan siguro mas madaling pag-usapan... Kaya eto na naman si Noy, susubukan ang hindi kasubuk-subok na bagay, pag-uusapan ang relihiyon... Pagbigyan niyo ko...
DeMolay nga pala ako, anak ng napakaactive na Mason... Lumaki ako na mulat sa mga gawain, karaniwang pananalita, posisyon, at kung anu-ano pang bagay na may relasyon sa masonriya... (Disclaimer: hindi po ako mason, di ako nakakapasok sa meeting nila.) Masasabi kong mahal ko na rin ang kapatiran ng mason dahil na rin sa pagmamahal ng tatay ko sa organisasyong ito... Pero kasabay ng pagdaranas ko sa pagtutulungang magkapatid, naranasan ko rin ang mga masasamang bagay -- madiscriminate ng mga taong napakagaling magmarunong sa hindi naman nila naiintindihang bagay, makipagdebate sa pagtatanggol sa frat ng tatay ko, at siyempre, kasama na rin ang madismaya sa mga mason na pangit ang ugali (meron talaga, marami.)
Ikinikuwento ko siguro ito dahil sa ganitong perspektibo ako makikipag-usap sa inyo tungkol sa relihiyon... Katoliko ako... hindi sobrang tapat na Katoliko, pero naniniwala pa rin sa pagkaKatoliko ko....
Bakit kaya kapag lumalabas ang isyu ng Mason, isyu kay Da Vinci, kay Magdalene, ay hindi maiiwasang mapalingon lahat, Mason man o hindi...
Simple lang yung sagot diba? Dahil lahat tayo ay may pakialam sa mga isyung nagsasabi ng ganito at ganyan sa ating pananampalataya...
Narinig na natin lahat...
"Diba nagpakasal daw si Hesus kay Magdalene?"
"Diba nagkaanak sila?"
"Diba yung Wedding at Cana sila yung kinasal?"
"Diba gawa-gawa lang ng simbahan lahat yun?"
"Alam niyo ba yung knight's templar?"
Diba ganito, diba ganyan... Eto na, banat na... bigla nang ang daming nagmamarunong!!! "Alam mo nabasa ko to eh, chaka to, chaka to... hindi totoo yan... Totoo yan... sinabi kasi sa ganitong libro ganito at... at.. at...
Galing no? Iba talagang magmahal ang tao sa pananampalataya... lumalabas ang isyu at nagiging iskolar bigla... nakabasa lang ng ilang libro eksperto na... Pero hindi ko sinasabing masama ito... ipinapakita lang nito na may mga taong gustong nakakabit sila sa pananampalataya nila, hindi lang sa paniniwala sa mga bagay-bagay na hindi nila nakikita, kundi sa pag-alam at pagtatanggol sa mga impormasyong mali na ihinahagis patungo sa paniniwala nila...
Ang hirap ano? Pwede nating sabihin... "TAMA NA KASI!!! GAWIN NALANG NATIN YUNG SINASABI NG SIMBAHAN!" Maaaring maging tama ang saloobing ito... ngunit may butas parin... Pwede nating sabihin "BASTA SUSUNOD AKO, DAHIL SA SARILI KO GANITO PA RIN, NANINIWALA PA RIN!"... Oo nga't tama na kailangan sa sarili mo alam mong naniniwala ka, naresolbahan mo na sa sarili mo na taimtim ang pananampalataya mo, ngunit kung gayun nga'y puwedeng maging taimtim ang iba sa ibang pananambalataya, ganun ba ang dapat mangyari? Wala nang pakialamanan? Hindi ba't napakaimportante rin sa relihiyon ang konsepto ng komunidad?
Haaaaay, sabi ko na nga ba mapapagod ako eh... hirap no? Madaling sabihin nalang na suko... at merong malaking patibong na kapag napakatagal mo nang hinahanap ang katotohanan, sa isang punto'y susuko ka nalang at susunod ka nalang sa pananampalataya mo, sasabihin mo nalang "eto na to, naniniwala na ako." Hilaw na paniniwala... Inamin nga, naresolba nga sa sarili, ngunit hindi pa rin tapos...
Napakadali rin naman kasing tanungin eh... iba't iba ang relihiyon sa mundo, kapag namatay ka ba, yung ending mo yung ending nung pinili mong relihiyon? Ang mga napakabuti bang tao ay magiging kaparehas rin ng napakabuting taong nagsisimba linggu-lingo, o kaya ng napakabuting taong isang beses lang kumain sa Ramadan?
Bakit putok ang isyu ng National Treasure? Dahil Kailangan pa rin ng taong magtanong... Hindi naman ibig sabihin na magbago tayo ng relihiyon, ngunit napakahalaga ng pagtanong... Kung maging mabait lang ba ako at hindi ako magkumpisal, simba at iba pa, pupunta pa rin ba ako sa langit? Mga tanong na hindi masagot ngunit kailangan pa ring tanungin... kung hindi'y mauuwi lang sa paghahanap ng pananampalatayang mauuwian, na gagawin ang kailangan gawin sa simbahan upang may mauwian lamang na relihiyon... Para kang kumukuha ng exam na hindi mo alam kung ano ang gegreydan... yung uniform mo ba? yung essay? yung fill in the blanks?
Aminin man natin o hindi, nawawala rin tayo... kaya tayo naaaliw manood nung National Treasure, kaya mahilig tayong magbasa nung mga libro na yun, dahil kahit papaano gusto natin mabigyan ng liwanag ang nauulapang kamalayan tungkol sa buhay... Sabi ng guro ko sa kolehiyo... "What is Faith? Faith is believing without seeing."... Hindi ako sigurado, pero sa tingin ko ganun rin mauuwi ang pananampalataya natin, sa pagtiwala... ngunit hindi nito ibig sabihin na mali ang magtanong, na maling maghanap ng konti pang kalinawan... Wala namang bayad yun eh... Libre....
Dahil sa kahuli-hulihan, sa tingin ko ang mahalaga ay ang pananampalatayang naranasan mo, hindi yung pananampalatayang minana mo o natutunan mo... danasin natin.... kung kailangan magtanong, magtanong....