Kalahating buwan ang lumipas... ang bilis... Eto, game..
Memories of College...
"We are given to God to put our faith therein, but to be forgiven, we must first believe in sin"
--- Jewel, Innocence Maintained
Araw-araw tumititig tayo sa iba't ibang halimbawa ng halaga ng kaibahan. Paano malalaman kung ano ang liwanag kung hindi pa nararanasan ang dilim? Paano malalaman ang itim kung walang puti. Paano malalaman kung ano ang pula? ang asul?
Kaibahan, isang bagay na pinalilibutan tayo, kinalulunuran ng buo nating pagkatao. Noong bata tayo tinuruan tayo ng guro natin kung ano ang masama at kung ano ang mabuti. Palibhasa bata, susunod nang hindi nagtatanong. Naniniwala sa lahat ng sabihin. Ngunit napakagsunduan natin ng ating sarili na ang mabuti ay mabuti nga talaga nang naranasan nating pagmasamaan ng kaklase, agawan ng lapis, kunan sa lunchbox nang walang paalam, dayain sa laro. Naranasan natin ang unang halaga ng kabutihan dahil sa kapalit na parusa kung ito'y susuwayin.
Kaibahan, isang bagay na laging nandyan, hindi madalas mapansin... Kung walang La Salle, mabubuhay ang Ateneo, pero ang pagkaAteneo ng Ateneo ay nagiging pagkaAteneo ng Ateneo dahil merong La Salle, mortal na kaaway ngunit paalala na parehong magaling na unibersidad. Baliktarin man totoo pa rin, pag walang Ateneo, mabubuhay pa rin ang La Salle, pero hindi na magiging pareho and Pagka La Lalle nila. Tunay nga na sa buhay ng dalawang iskuwelahang ito, hindi malalaman ang asul kung walang berde, at bahagyang nababawasan ang pagkaberde kung walang asul.
Kaibahan, isang bagay na ginagamit ng tao upang umangat, upang umunlad, upang matuto. Sa pagtanda natin mula sa mga panahong nag-aaral hanggang ngayong nagtatrabaho, iba't ibang mga tao ang inidolo natin, tiningala natin... Madalang lang magkaroon ng taong iisa lang ang pinaghangaan buong buhay nila, Mula sa katalinuhan ng nanay mo, hanggang sa kagalingan ng pananalita nung teacher mo sa acconting, hanggang sa kagalingan makisama ng kaklase mo, hanggang sa determinasyon ng kapatid mong magtagumpay, marami tayong mga nakikita sa iba't ibang bahagi ng buhay natin na mga ugaling gusto natin pantayan, minsa'y gusto nating lampasan. Bakit? Dahil hindi pa tayo ganun, hindi pa tayo ganun kagaling, hindi pa tayo ganun katalino, iba pa tayo. Ngunit itomismong pagkakaiba ang nagtutulak sa atin upang matuto, upang mas gumaling, upang mas tumalino. Maging ang masasamang karanasan natin kasama ang mga taong kasuklam-suklam ang ugali ang nagudyok sa ating sabihin na "hinding hindi ako magiging ganyan." Akalain mong kahit mga masasamang tao ay nakatulong pala sa atin.
Kaibahan, isa sa mga dahilan kung bakit nabubuhay ang tao. Araw-araw ay nagtatrabaho tayo nang maayos. Bakit? Dahil alam natin na puwede tayong magutom at maghirap kung hindi natin gawin ito. Ang rami rami na nating nakitang nagkaganito. Bakit? Dahil alam natin na pag ginawa natin nang maayos ang trabaho natin, may malaking posibilidad na umasenso. Nakita na rin natin ang mga tao, maaaring kilala natin o napanood o nabasa lang natin, pero alam natin na may mga taong iba sa atin... mayaman... kayang tumayo sa sariling paa. Sa pera lang ba tumitigil ang kaibahan? Isipin natin ang buhay na walang mahirap at mayaman, may libog pa kaya para mabuhay? Ang sagot, oo. Dahil ang tao ay nabubuhay rin upang maging magaling sa kani-kanilang larangan, nabubuhay rin para maging mabuti, maasal kaysa sa iba, maging mabuting ama, ina, kapatid. Maraming mga tao na modelo ng iba't ibang ugali na ito, na gusto nating tularan, at bakit pwede pa nating tularan? Dahil wala pa tayo dun... hindi pa tayo parehas sa kanila... puwede natin silang tularan dahil iba pa rin tayo...
Kaibahan, itim at puti, liwanag at dilim, hindi ko alam kung bakit ginawa ng Diyos na ganito ang sistema ng bagay-bagay, pero eto, ganito ang mundo. Nabubuhay ang tao nang dahil sa kaibahan. Napakahalagang isipin ito, na hindi lamang tayo nabubuhay para yumaman, para gumaling... Nabubuhay tayo tungo sa isang pagkaperpektong hindi natin kailanman mararating, pero kayod pa rin ng kayod... Sana pag matanda na tayo at binabalikan natin ang buhay natin, makakita tayo ng buhay na puno ng mga gawang ginawa natin hindi lamang para matamo natin ang pagkaperpektong minimithi, kundi ng mga gawang tumulong sa ibang gumaling, tumalino, umasenso, mga gawang tungo sa pagtanggal sa di kailanmang matatanggal na kaibahan...
Iba...